NITONG nakaraang ilang araw, sinalubong tayo ng isang malungkot at isang medyo masayang balita tungkol sa manggagawang Pinoy sa ibayong dagat.
Malungkot dahil isa na namang kababayan natin ang hinatulang pugutan ng ulo sa Saudi Arabia. Karaniwan na lamang ang ganitong balita pero hindi tayo pwedeng masanay dito. Lagi nitong ipinaaalala ang kahalagahan ng buhay at ang panganib na kinakaharap ng mga Pinoy na nagiging dayuhan sa ibang bayan.
At medyo masaya dahil isinalba na naman ang ekonomiya natin ng ipinadalang pera ng mga Pinoy na nagtatrabaho sa ibayong dagat. Bakit “medyo masaya” lamang at hindi talagang “masaya” ang balita gayong positibo ito para sa ekonomiyang pambansa? Bweno, hindi tayo pwedeng lubusang maging masaya dahil ang ginhawang ibinibigay ni Kabayan sa pamamagitan ng kanyang remittance e may kapalit na ibayong sakripisyo na kadalasan hindi matutumbasan ng kwarta.
Ayon sa ulat ng Bangko Sentral ng Pilipinas e tumaas ng $2.8 bilyon (mga P124 bilyon) ang ipinadalang pera ng may 11.4 milyon OFWs (nabawasan ng isa nang umuwi ako) sa kanilang mga pamilya, kamag-anak at kakilala sa unang dalawang buwan lamang ng taon. Hindi tumaas ang sweldo ng OFWs, dumami lang sila kaya syempre dumami rin ang pasok ng pera sa Pinas.
Kahit medyo marami rin ang tulad ko na nagsawa na sa pamumuhay sa ibayong dagat at umuwi na “for good,” mas maraming nag-abroad noong isang taon at ngayon. Tumaas ang bilang nila ng may 15 porsyento noong isang taon kumpara noong 2008.
Syempre ang gumastos ng perang padala e ’yung OFWs at kamag-anak nila pero naglululundag sa tuwa ang administrasyong ito dahil kumita sila sa mga buwis, gaya ng EVAT, at nailigtas ang bangkaroteng bansa sa kabila ng pandaigdigang krisis ng kapitalismo.
Ang nakatagong lungkot sa likod ng masayang balitang ito e ang sakripisyo ng mga kabayang napipilitang mamuhay kahit sa mapanganib na mga lugar at umuwing hindi nakikilala ng mga naiwang anak.
Ibayong pait kung makaranas pa sila ng dagdag na problema gaya nga nitong si Huse (di tunay na pangalan) sa Riyadh, Saudi Arabia na sinabing sinentensiyahan ng kamatayan matapos mapatay ang Sudanese na may-ari ng tinutuluyan niyang kwarto. Aksidenteng napatay niya umano ito matapos siyang saktan dahil ayaw niyang magbayad ng upa at malayo pa ang takdang araw ng pagbabayad. Sa press release ng DFA, tinutulungan daw nila ang 30-taong-gulang na mama pero ayon sa Migrante, tumawag umano si Huse sa kanila at nagsusumbong na kulang ang suportang ibinibigay sa kanya ng embahada. Ni hindi nga raw siya binigyan nito ng abugado.
Bago siya nakulong kalilipat lang ni Huse ng trabaho dahil hindi sila binayaran ng anim buwan ng unang amo. Masaklap na kwentong aakalain mong nangyayari lamang sa mga dramang pangtelebisyon.